Lumang Tipan

Bagong Tipan

Mga Bilang 18:6-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

6. Ako ang pumili sa mga kamag-anak mong Levita upang makatulong mo sa mga gawaing ito. Handog ko sila sa inyo para maglingkod sa akin sa Toldang Tipanan.

7. Ngunit ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang maghahandog sa altar at sa Dakong Kabanal-banalan. Tungkulin ninyo ito. Ikaw lamang ang pinagkalooban ko ng tungkuling ito. Sinumang makialam sa iyo tungkol sa mga sagradong bagay ay dapat patayin.”

8. Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Ipinagkakaloob ko sa iyo ang lahat ng tanging handog ng mga Israelita bilang bahagi mo at ng iyong mga anak habang panahon.

9. Ito ang nauukol sa iyo at sa iyong mga anak: lahat ng handog na hindi sinusunog sa altar, maging handog na pagkaing butil, maging handog na para sa kapatawaran ng kasalanan o handog na pambayad sa kasalanan.

10. Ito ay ituturing ninyong ganap na sagrado at kakainin ninyo sa isang banal na lugar. Ang mga lalaki lamang sa inyong sambahayan ang maaaring kumain nito.

11. “Para sa iyo rin at sa iyong sambahayan ang kanilang mga natatanging handog. Lahat ng iyong kasambahay, lalaki at babaing malinis ayon sa Kautusan ay maaaring kumain nito.

12. “Ibinibigay ko rin sa iyo ang pinakamainam sa lahat ng unang bunga ng halaman na ihahandog nila sa akin, gayundin ang langis, alak at pagkain.

13. Ang lahat ng iyan ay para sa inyo at maaaring kainin ng sinumang kasambahay mo na malinis ayon sa Kautusan.

14. “Lahat ng mga bagay na lubos na naialay ng mga Israelita kay Yahweh ay nauukol sa iyo.

15. “Lahat ng panganay, maging tao o hayop na pawang nakatalaga sa akin ay mauuwi sa iyo. Ngunit ang panganay na Israelita at ang panganay ng mga hayop na marurumi ayon sa Kautusan ay tutubusin nila

16. isang buwan matapos isilang. Ang tubos sa bawat isa ay limang pirasong pilak, ayon sa timbangan ng templo.

17. Ang panganay na baka, tupa o kambing ay hindi na tutubusin. Ang mga ito ay ilalaan sa akin. Ang dugo ng mga ito'y iwiwisik mo sa altar. Susunugin mo naman ang kanilang taba upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para sa akin.

18. Para sa iyo rin ang pitso at ang kanang hita ng kanilang mga handog.

19. “Lahat ng tanging handog nila sa akin ay nauukol sa iyong sambahayan. Ito'y isang di-masisirang kasunduan ko sa iyo at sa iyong mga anak at sa magiging anak pa nila.”

Basahin ang kumpletong kabanata Mga Bilang 18