Lumang Tipan

Bagong Tipan

Levitico 9:1-12 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Nang ikawalong araw, ipinatawag ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak, at ang mga pinuno ng Israel.

2. Sinabi niya kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro at isang lalaking tupa na walang kapintasan at ihandog mo kay Yahweh. Ang una'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang ikalawa'y handog na susunugin.

3. Sabihin mo naman sa bayang Israel na magdala sila ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Magdala rin sila ng isang guya at isang batang tupa na parehong isang taon ang gulang at walang kapintasan bilang handog na susunugin.

4. Pagdalhin mo rin sila ng isang toro at isang lalaking tupa upang ihandog kay Yahweh bilang handog pangkapayapaan. Ihahandog nila ang lahat ng ito na may kasamang harinang hinaluan ng langis. Gawin ninyo ito sapagkat ngayo'y magpapakita sa inyo si Yahweh.”

5. Dinala nga nila ang mga ito sa harap ng Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Moises. Nagtipon ang buong bayan sa harapan ni Yahweh.

6. Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh na dapat ninyong tuparin upang mahayag sa inyo ang kaluwalhatian niya.”

7. Kay Aaron nama'y sinabi ni Moises, “Lumapit ka sa altar at ialay mo roon ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at ang handog na susunugin para sa iyo at sa iyong sambahayan. Dalhin mo rin ang handog ng mga tao upang sila'y matubos din sa kanilang mga kasalanan; iyan ang iniutos ni Yahweh.”

8. Lumapit nga si Aaron sa altar at pinatay ang guya bilang handog para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan.

9. Ang dugo nito'y dinala ng mga anak ni Aaron sa kanya. Inilubog naman niya sa dugo ang kanyang daliri at nilagyan ang mga sungay ng altar at ibinuhos sa paanan nito ang natira.

10. Ngunit ang taba, mga bato at ang ibabang bahagi ng atay ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay sinunog niya sa altar, gaya ng utos ni Yahweh.

11. Ang laman at balat nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampo.

12. Pinatay rin ni Aaron ang handog na susunugin. Ibinigay sa kanya ng kanyang mga anak ang dugo nito at ibinuhos sa paligid ng altar.

Basahin ang kumpletong kabanata Levitico 9