Lumang Tipan

Bagong Tipan

Levitico 19:8-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Magkakasala at dapat parusahan ang kakain niyon sapagkat iyon ay paglapastangan sa isang bagay na banal; dapat siyang itiwalag sa sambayanan.

9. “Kung mag-aani kayo sa inyong bukirin, itira ninyo ang nasa gilid, at huwag na ninyong balikan ang inyong naanihan.

10. Huwag ninyong pipitasing lahat ang bunga ng ubasan ni pupulutin man ang mga nalaglag, bayaan na ninyo iyon para sa mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.

11. “Huwag kayong magnanakaw, mandaraya, o magsisinungaling.

12. Huwag kayong manunumpa sa aking pangalan kung ito ay walang katotohanan. Iyon ay paglapastangan sa pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh.

13. “Huwag ninyong dadayain o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapabukas ang pagpapasweldo sa inyong mga manggagawa.

14. Huwag ninyong mumurahin ang mga bingi at lalagyan ng katitisuran ang daraanan ng mga bulag. Matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh.

15. “Huwag kayong hahatol nang hindi makatarungan. Huwag ninyong kikilingan ang mahihirap o kaya'y katatakutan ang mayayaman. Humatol kayo batay sa katuwiran.

16. Huwag kayong magkakalat ng anumang nakakasira ng puri ng inyong kapwa, ni sasaksi laban sa inyong kapwa upang ipahamak lamang siya. Ako si Yahweh.

17. “Huwag kayong magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, makipagkasundo ka sa kanya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya.

18. Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ako si Yahweh.

19. “Sundin ninyo ang aking mga tuntunin. Huwag ninyong palalahian ang hayop na inyong alaga sa hayop na di nito kauri. Huwag din kayong maghahasik ng dalawang uri ng binhi sa isang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang uri ng sinulid.

Basahin ang kumpletong kabanata Levitico 19