Lumang Tipan

Bagong Tipan

Jeremias 50:34-46 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

34. Ngunit makapangyarihan ang kanilang Manunubos; ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, siya ang makikipaglaban para sa kanila upang bigyan sila ng kapayapaan. Ngunit kaguluhan ang ipadadala niya sa mga mamamayan ng Babilonia.”

35. Sinasabi ni Yahweh, “Nakaamba ang isang tabak laban sa mga hukbo ng Babilonia, laban sa naninirahan sa Babilonia at sa kanyang mga pinuno at mga matatalino.

36. Ito'y nakaamba sa kanyang mga bulaang propeta, at naging mga mangmang sila. Ito'y nakaamba sa kanyang mga mandirigma, upang lipulin sila!

37. Nakaamba ang tabak laban sa kanyang mga kabayo at sa mga karwahe at sa lahat ng hukbo upang panghinaan sila ng loob. Ang lahat ng kanyang kayamanan ay sasamsamin!

38. Matutuyo ang lahat ng kanyang katubigan. Sapagkat ito'y lupain ng mga diyus-diyosan, na luminlang sa mga tao.

39. “Kaya nga, ang maninirahan doon ay mababangis na hayop at mga asong-gubat, gayon din ang mga dambuhalang ibon. Wala nang taong maninirahan doon habang panahon, at hindi na ito pamamayanan ng alinmang lahi.

40. Kung paanong winasak ng Diyos ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod na karatig nila, sinasabi ni Yahweh na wala nang maninirahan doon, o makikipamayan sa kanya.

41. “Masdan mo, may dumarating mula sa hilaga;isang bansang makapangyarihan.Maraming hari ang nagbabangon mula sa malayong panig ng daigdig.

42. May mga dala silang busog at sibat,sila'y malulupit at walang habag.Nakasakay sila sa mga kabayo.Ang kanilang mga yabag ay parang ugong ng dagat.Nakahanda sila laban sa Babilonia.

43. Nabalitaan na ng hari ng Babilonia ang tungkol sa kanila,at siya'y nanlupaypay;sinaklot siya ng pagkabalisa,at ng sakit na tulad ng nararamdaman ng isang babaing manganganak.

44. “Masdan mo, gaya ng isang leong lumalabas sa kagubatan ng Jordan upang sumalakay sa isang matibay na kulungan ng mga tupa, bigla ko silang itataboy. At pipili ako ng mangunguna sa bansa. Wala akong katulad. Wala akong kapantay. Walang haring makakalaban sa akin.

45. Kaya, pakinggan ninyo ang binabalak ni Yahweh laban sa Babilonia at sa mga mamamayan nito: Ang mga batang tupa sa kawan ay aagawin, masisindak sa mangyayari sa kanila ang kanilang mga pastol.

46. Mayayanig ang lupa sa ingay ng pagbihag sa Babilonia, at ang kanyang pagtangis ay maririnig ng mga bansa.”

Basahin ang kumpletong kabanata Jeremias 50