Lumang Tipan

Bagong Tipan

Jeremias 50:24-39 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

24. Naghanda ka ng bitag para sa iyong sarili at ikaw ay nahulog, ngunit hindi mo alam. Natagpuan ka at nahuli, sapagkat lumaban ka kay Yahweh.

25. Binuksan ni Yahweh ang taguan ng mga sandata at inilabas ang mga sandata dahil sa kanyang poot; sapagkat may gagawin si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, sa lupain ng Babilonia.

26. Paligiran ninyo siya at salakayin! Buksan ninyo ang kanyang mga kamalig, ibunton ang mga nasamsam. Lipulin ninyo sila at huwag magtitira kahit isa.

27. “Patayin ninyo ang lahat ng kanyang mandirigma. Kahabag-habag sila, sapagkat dumating na ang araw, ang panahon ng pagpaparusa sa kanila.”

28. Naririnig ko ang yabag ng mga tumatakas mula sa lupain ng Babilonia upang ipahayag sa Zion ang paghihiganti ni Yahweh para sa kanyang templo.

29. Sabi ni Yahweh, “Tawagin ninyo ang lahat ng mamamana upang salakayin ang Babilonia. Magkuta kayo sa palibot niya; huwag ninyong pabayaang may makatakas. Gantihan ninyo siya ayon sa kanyang ginawa, gawin sa kanya ang lahat ng kanyang ginawa; sapagkat buong pagmamalaki niyang sinuway si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.

30. Kaya nga, mabubuwal sa kanyang mga lansangan ang mga kabataang lalaki, lilipulin sa araw na iyon ang lahat ng kanyang mandirigma.”

31. Sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, “Ako'y laban sa iyo sapagkat ikaw ay palalo; dumating na ang araw ng pagpaparusa sa iyo.

32. Ang palalo'y madadapa at babagsak, at walang magbabangon sa kanya. Susunugin ko ang iyong mga lunsod, at tutupukin nito ang lahat ng nasa palibot mo.”

33. Ganito ang sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Magkasamang inapi ang mga taga-Israel at mga taga-Juda; hawak silang mahigpit ng mga bumihag sa kanila at ayaw silang palayain.

34. Ngunit makapangyarihan ang kanilang Manunubos; ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, siya ang makikipaglaban para sa kanila upang bigyan sila ng kapayapaan. Ngunit kaguluhan ang ipadadala niya sa mga mamamayan ng Babilonia.”

35. Sinasabi ni Yahweh, “Nakaamba ang isang tabak laban sa mga hukbo ng Babilonia, laban sa naninirahan sa Babilonia at sa kanyang mga pinuno at mga matatalino.

36. Ito'y nakaamba sa kanyang mga bulaang propeta, at naging mga mangmang sila. Ito'y nakaamba sa kanyang mga mandirigma, upang lipulin sila!

37. Nakaamba ang tabak laban sa kanyang mga kabayo at sa mga karwahe at sa lahat ng hukbo upang panghinaan sila ng loob. Ang lahat ng kanyang kayamanan ay sasamsamin!

38. Matutuyo ang lahat ng kanyang katubigan. Sapagkat ito'y lupain ng mga diyus-diyosan, na luminlang sa mga tao.

39. “Kaya nga, ang maninirahan doon ay mababangis na hayop at mga asong-gubat, gayon din ang mga dambuhalang ibon. Wala nang taong maninirahan doon habang panahon, at hindi na ito pamamayanan ng alinmang lahi.

Basahin ang kumpletong kabanata Jeremias 50