Lumang Tipan

Bagong Tipan

Jeremias 50:2-17 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

2. “Ipahayag mo sa mga bansa,wala kang ililihim, ikalat mo ang balita:Nasakop na ang Babilonia.Nalagay na sa kahihiyan si Bel,nanlupaypay na si Merodac,mga diyus-diyosan sa Babilonia.

3. “Sapagkat isang bansang mula sa hilaga ang sumalakay sa kanya; gagawing isang disyerto ang kanyang lupain at walang tao o hayop na maninirahan doon.”

4. Sinabi ni Yahweh, “Pagdating ng panahong iyon, lumuluhang magsasama-sama ang mga taga-Israel at mga taga-Juda at hahanapin nila ako na kanilang Diyos.

5. Ipagtatanong nila ang daan patungo sa Zion, pupunta sila roon upang makipagkaisa kay Yahweh sa isang kasunduang kanilang tutuparin habang panahon.

6. “Ang aking bayan ay parang mga tupang naligaw, sapagkat pinabayaan sila ng kanilang mga pastol. Kaya lumayo sila at tumakbong papunta sa kabundukan; tinahak nila ang bundok at burol at nakalimutang magbalik sa kulungan.

7. Nilapa sila ng nakatagpo sa kanila. Ang sabi ng kanilang mga kaaway, ‘Wala kaming kasalanan, sapagkat nagkasala sila laban kay Yahweh, ang tunay na pastol at siyang pag-asa ng lahat ng kanilang mga ninuno.’

8. “Takasan ninyo ang Babilonia, lisanin ninyo ang bansang iyan; kayo ang maunang umalis, gaya ng mga barakong kambing na nangunguna sa kawan.

9. Sapagkat susulsulan ko ang malalakas na bansa upang salakayin ang Babilonia; magmumula sila sa hilaga, upang bihagin siya. Sila'y mga bihasang mandirigma at walang mintis kung pumana.

10. Sasamsaman ng mga gamit ang mga taga-Babilonia, at mananagana ang lahat ng makakakuha.” Ito ang sabi ni Yahweh.

11. “Bagama't kayo'y nagkakatuwaan at nagkakasayahan, kayong kumuha ng aking mana, bagama't nagwala kayong gaya ng babaing baka sa damuhan, at humalinghing na parang kabayong lalaki,

12. malalagay sa ganap na kahihiyan ang inyong ina na nagsilang sa inyo; siya ang magiging pinakahuli sa mga bansa, isang tigang na lupain na parang disyerto.

13. Wala nang maninirahan sa kanya dahil sa poot ni Yahweh, siya'y isang lunsod na wasak. Lahat ng magdaraan doon ay magtataka at mangingilabot sa nangyari sa kanya.

14. “Humanay kayo sa palibot ng Babilonia, humanda kayong mga manunudla; patamaan ninyo siya at huwag magsasayang ng palaso sapagkat siya'y nagkasala laban kay Yahweh.

15. Humiyaw kayo ng pagtatagumpay laban sa kanya; siya'y sumuko na. Bumagsak na ang kanyang mga pader at nadurog. Ito ang ganti ni Yahweh: maghiganti rin kayo sa kanya, gawin ninyo sa kanya ang tulad ng kanyang ginawa.

16. Pigilin ang bawat manghahasik sa Babilonia, gayon din ang bawat mang-aaning may dalang karit. Sa matinding takot sa tabak ng manlulupig, bawat isa'y tatakas at babalik sa sariling lupain.”

17. Ang Israel ay parang kawan ng tupa, hinahanap at hinahabol ng mga leon. Ang hari ng Asiria ang unang lumapa sa kanya, at ngayon ang haring si Nebucadnezar ng Babilonia ang huling kumagat sa kanyang mga buto.

Basahin ang kumpletong kabanata Jeremias 50