Lumang Tipan

Bagong Tipan

Jeremias 50:11-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. “Bagama't kayo'y nagkakatuwaan at nagkakasayahan, kayong kumuha ng aking mana, bagama't nagwala kayong gaya ng babaing baka sa damuhan, at humalinghing na parang kabayong lalaki,

12. malalagay sa ganap na kahihiyan ang inyong ina na nagsilang sa inyo; siya ang magiging pinakahuli sa mga bansa, isang tigang na lupain na parang disyerto.

13. Wala nang maninirahan sa kanya dahil sa poot ni Yahweh, siya'y isang lunsod na wasak. Lahat ng magdaraan doon ay magtataka at mangingilabot sa nangyari sa kanya.

14. “Humanay kayo sa palibot ng Babilonia, humanda kayong mga manunudla; patamaan ninyo siya at huwag magsasayang ng palaso sapagkat siya'y nagkasala laban kay Yahweh.

15. Humiyaw kayo ng pagtatagumpay laban sa kanya; siya'y sumuko na. Bumagsak na ang kanyang mga pader at nadurog. Ito ang ganti ni Yahweh: maghiganti rin kayo sa kanya, gawin ninyo sa kanya ang tulad ng kanyang ginawa.

16. Pigilin ang bawat manghahasik sa Babilonia, gayon din ang bawat mang-aaning may dalang karit. Sa matinding takot sa tabak ng manlulupig, bawat isa'y tatakas at babalik sa sariling lupain.”

17. Ang Israel ay parang kawan ng tupa, hinahanap at hinahabol ng mga leon. Ang hari ng Asiria ang unang lumapa sa kanya, at ngayon ang haring si Nebucadnezar ng Babilonia ang huling kumagat sa kanyang mga buto.

18. Kaya nga, ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Paparusahan ko si Nebucadnezar, ang hari ng Babilonia at ang kanyang bayan, tulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria.

19. Ibabalik ko ang Israel sa kanyang pastulan, at manginginain siya sa bundok ng Carmelo at sa kapatagan ng Bashan; sa kaburulan ng Efraim at Gilead ay mabubusog siya.

20. Darating ang araw na lubusang mapapawi ang kasamaan ng Israel at ng Juda, sapagkat patatawarin ko ang nalabi na aking iniligtas.”

21. Ang sabi ni Yahweh, “Salakayin ninyo ang lupain ng Merataim; pati ang mga taga-Pekod, patayin at lipulin ninyo silang lahat; gawin ninyo ang lahat ng iniutos ko sa inyo.

Basahin ang kumpletong kabanata Jeremias 50