Lumang Tipan

Bagong Tipan

Jeremias 2:8-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

8. Hindi man lamang nagtatanong ang mga pari, ‘Nasaan si Yahweh?’Hindi ako nakikilala ng mga dalubhasa sa Kautusan,hindi sumusunod sa akin ang mga pinuno;nangangaral ang mga propeta sa pangalan ni Baal,sumasamba at naglilingkod sa mga diyus-diyosan.

9. “Kaya't muli kong susumbatan ang aking bayanat uusigin ko hanggang kaapu-apuhan.

10. Tumawid kang pakanluran hanggang Cyprus,at magpadala ka patungong pasilangan hanggang Kedar.Makikita mo kung may nangyaring tulad nito kailanman.

11. Mayroon bang bansa na nagpalit ng kanyang mga diyos,kahit na ang mga ito ay hindi naman talagang diyos?Ngunit ipinagpalit ako ng bayang aking pinarangalan,at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosang wala namang kabutihang magagawa para sa kanila.

12. Kaya manginig kayo sa takot, O kalangitan,manggilalas kayo at manghilakbot;akong si Yahweh ang nagsasalita.

13. Dalawa ang kasalanan ng aking bayan:Tinalikuran nila ako,ako na bukal na nagbibigay-buhay,at humukay sila ng mga balon,ngunit mga balong butas na walang naiipong tubig.

14. “Hindi alipin ang Israel nang siya'y isilang.Ngunit bakit siya pinaghahanap ng kanyang mga kaaway?

15. Sila'y parang mga leong umaatungalhabang winawasak ang lupain;giniba ang kanyang mga lunsod kaya't wala nang naninirahan doon.

16. Binasag ng mga taga-Memfis at taga-Tafnes ang kanyang bungo.

17. Ikaw na rin, Israel, ang dapat sisihin sa nangyari sa iyo!Tinalikdan mo ako na iyong Diyos,akong si Yahweh na umakay sa iyong mga paglalakbay.

18. Ano ang mapapala mo sa pagpunta sa Egipto?Ang makainom ng tubig sa Ilog Nilo?Ano ang inaasahan mong makukuha sa Asiria?Ang makainom ng tubig sa Ilog Eufrates?

19. Paparusahan ka ng sarili mong kasamaan.Ipapahamak ka ng iyong pagtalikod sa akin.Mararanasan mo kung gaano kapait at kahirapang mawalan ng takot at tumalikod kay Yahweh na iyong Diyos.Ako, ang Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat,ang nagsasabi nito.

Basahin ang kumpletong kabanata Jeremias 2