Lumang Tipan

Bagong Tipan

Ezekiel 34:1-15 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Sinabi sa akin ni Yahweh,

2. “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga pinuno ng Israel. Sabihin mong ipinapasabi ko: Nakatakda na ang parusa sa inyo, mga pinuno ng Israel. Sarili lamang ninyo ang inyong iniintindi at hindi ang mga tupa.

3. Iniinom ninyo ang gatas, nagdaramit kayo ng lana, at nagpapatay ng mga pinatabang hayop, ngunit hindi ninyo pinapakain ang mga tupa.

4. Bakit hindi ninyo pinapalakas ang mahihina, ni ginagamot ang mga maysakit, ni hinihilot ang mga pilay? Bakit hindi ninyo hinahanap ang nawawala, ni ibinabalik ang nalalayo? Sa halip ay ginagamitan ninyo sila ng kamay na bakal.

5. Sila'y nangangalat, at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat ang mga ito'y walang pastol.

6. Ang mga tupa ko'y nagkalat sa mga bundok, burol at sa lahat ng panig ng daigdig, ngunit walang ibig humanap sa kanila.

7. “Dahil dito, mga pinuno, dinggin ninyo ang aking sinasabi:

8. Ako ang Diyos na buháy. Ang mga tupa ko'y pinipinsala at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat walang nangangalaga sa mga ito. Hindi hinahanap ng mga pastol ang aking mga tupa. Sa halip na alagaan nila ang mga ito, ang sarili nila ang binubusog.

9. Kaya nga makinig kayo, mga pastol.

10. Pakinggan ninyo itong aking sinasabi: Laban ako sa inyo. Pananagutan ninyo ang nangyayari sa aking mga tupa. Hindi ko na kayo gagawing pastol upang hindi na ninyo mabusog ang inyong sarili. Ilalayo ko sa inyo ang aking mga tupa at hindi na ninyo mapapakinabangan ang mga ito.”

11. Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa.

12. Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan.

13. Titipunin ko sila mula sa iba't ibang dako upang ibalik sa sarili nilang bayan. Doon ko sila aalagaan sa kaparangan ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig at sa magagandang pastulan.

14. Aalagaan ko sila sa sariwang pastulan sa tahimik na kaburulan ng Israel. Mamamahinga sila sa sariwang pastulan at manginginain ng sariwang damo sa kaburulan ng Israel.

15. Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan.

Basahin ang kumpletong kabanata Ezekiel 34