Lumang Tipan

Bagong Tipan

Ezekiel 32:2-14 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

2. “Ezekiel, anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Egipto. Sabihin mo, ikaw ay batambatang leon sa gitna ng maraming bansa. Tulad ka ng buwaya sa mga batis ng Ilog Nilo. Binubulabog mo ang tubig at pinarurumi ng iyong mga paa.

3. Kapag natipon na ang mga bansa, pahahagisan kita ng lambat at ipaaahon sa katihan.

4. Ihahagis ka sa gitna ng parang. Pababayaan kong kainin ka ng mga ibon at hayop.

5. Ang iyong mga laman ay ikakalat sa kabundukan. Ang mga libis ay mapupuno ng iyong bangkay.

6. Ang lupain, kabundukan at mga batis ay matitigmak ng iyong dugo.

7. Sa pagpapaalis ko sa iyo, tatakpan ko ang kalangitan. Tatakpan ko ng makapal na ulap ang mga bituin. Gayon din ang araw; at ang buwan ay hindi na magliliwanag.

8. Ang lahat ng tanglaw sa kalangitan ay pawang matatakpan. Sa lupain nama'y maghahari ang matinding kadiliman.

9. “Maraming bansa ang magúgulo kapag naipamalita kong ikaw ay winasak ng mga bansang hindi mo kilala.

10. Maraming tao ang mamamangha sa nangyari sa iyo; manginginig ang mga hari kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang aking tabak. Ang lahat ay manginginig sa takot kapag nakita nilang ikaw ay aking ibinagsak.”

11. Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa hari ng Egipto: “Lulusubin ka ng hari ng Babilonia.

12. Ang mga mamamayan mo ay ipapapatay ko sa mga kawal ng malulupit na bansa. Lilipulin nila ang iyong mamamayan at sisirain ang mga bagay na ipinagmamalaki mo.

13. Papatayin ko ang lahat ng hayop mo sa baybay tubig upang wala nang bumulabog dito.

14. Sa gayon ay lilinaw ang mga tubig nito at aagos na ito nang payapa.

Basahin ang kumpletong kabanata Ezekiel 32