Lumang Tipan

Bagong Tipan

Exodo 34:15-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon. Baka mahikayat nila kayong kumain ng mga handog sa kanilang mga diyus-diyosan kapag sila'y sumasamba sa mga ito.

16. Huwag ninyong hahayaan na ang mga anak ninyong lalaki ay mag-asawa ng babaing tagaroon. Baka mahikayat sila ng mga ito na maglingkod sa kanilang mga diyus-diyosan.

17. “Huwag kayong gagawa ng diyus-diyosang metal at sasamba sa mga ito.

18. “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa sa unang buwan sapagkat iyon ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto.

19. “Akin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao o hayop.

20. Ang panganay na asno ay tutubusin ninyo ng tupa. Kung ayaw ninyong palitan, baliin ninyo ang leeg. Tutubusin din ninyo ng tupa ang mga panganay ninyong lalaki. Huwag kayong haharap sa akin nang walang dalang handog.

21. “Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw kayo'y magpapahinga maging ito ma'y panahon ng pagbubungkal ng lupa o ng pag-aani.

22. “Ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Sanlinggo, ang unang pag-aani ng trigo, gayon din ang Pista ng mga Tolda tuwing matatapos ang taon.

23. “Tatlong beses isang taon, ang mga lalaking Israelita ay haharap sa Panginoong Yahweh, ang Diyos ng Israel.

24. Kapag napalayas ko na ang mga taong daratnan ninyo at lubusan na ninyong nasakop ang kanilang lupain, wala nang sasalakay sa inyo sa mga araw na kayo'y haharap sa akin.

25. “Huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang hayop na ihahandog ninyo sa akin. Huwag din kayong magtitira ng anumang bahagi ng hayop na pinatay para sa Pista ng Paskwa.

Basahin ang kumpletong kabanata Exodo 34