Lumang Tipan

Bagong Tipan

Exodo 23:1-9 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. “Huwag kayong gagawa ng anumang pahayag na walang katotohanan. Huwag kayong magsisinungaling para lamang tulungan ang isang taong may kasalanan.

2. Huwag kayong makikiisa sa karamihan, sa paggawa ng masama o sa paghadlang sa katarungan.

3. Ngunit huwag rin ninyong kikilingan ang mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan.

4. “Kung makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, hulihin ninyo ito at dalhin sa may-ari.

5. Kapag nakita ninyong nakabuwal ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng dala, tulungan ninyo ang may-ari upang ibangon ang hayop.

6. “Huwag ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mahihirap.

7. Huwag kayong magbibintang nang walang katotohanan. Huwag ninyong hahatulan ng kamatayan ang isang taong walang kasalanan; paparusahan ko ang sinumang gagawa ng ganoon.

8. Huwag kayong tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala.

9. “Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan; naranasan na ninyo ang maging dayuhan sapagkat kayo man ay naging dayuhan din sa Egipto.

Basahin ang kumpletong kabanata Exodo 23