Lumang Tipan

Bagong Tipan

2 Samuel 7:1-11 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang palasyo. Sa tulong ni Yahweh, hindi na siya ginambala ng kanyang mga kaaway.

2. Tinawag niya si Natan at sinabi, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Diyos.”

3. Sumagot si Natan, “Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat si Yahweh ay sumasaiyo.”

4. Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan,

5. “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mo, ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan?

6. Mula nang ilabas ko sa Egipto ang Israel, wala pa akong bahay na masasabing akin. Hanggang ngayo'y tolda pa ang aking tahanan.

7. Kahit lagi akong kasama ng Israel, wala akong sinabing anuman sa sinumang pinuno tungkol sa tahanang sedar na dapat kong tirhan, gayong ako ang pumili sa kanila upang mamahala sa aking kawan.’

8. Sabihin mo rin sa lingkod kong si David ang salitang ito ni Yahweh: ‘Kinuha kita mula sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel.

9. Kasama mo ako saan ka man magtungo at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig.

10. Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko papatirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon; wala nang taong mararahas na aalipin sa kanila tulad noong una,

11. buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong si Yahweh ay nagsasabi sa iyo, papatatagin ko ang iyong sambahayan.

Basahin ang kumpletong kabanata 2 Samuel 7