Lumang Tipan

Bagong Tipan

2 Samuel 23:13-20 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. Pagsisimula ng anihan, tatlo sa “Magigiting na Tatlumpu” ang nagpunta kay David sa yungib ng Adullam. Nagkakampo noon ang isang pangkat ng mga Filisteo sa Libis ng Refaim.

14. Nang panahong iyon, si David ay nagkukubli sa isang kuta samantalang nagkakampo sa Bethlehem ang mga kawal na Filisteo.

15. Dala ng matinding pananabik, nabigkas ni David ang ganito, “Sana'y makainom ako ng tubig buhat sa balon sa may pintuang-bayan ng Bethlehem!”

16. Nang marinig nila iyon, nangahas silang lumusot sa mga bantay na Filisteo, at kumuha ng tubig sa balong nabanggit. Dinala nila ito kay David, ngunit hindi niya ito ininom. Sa halip, ang tubig ay ibinuhos niya sa lupa bilang handog kay Yahweh.

17. Sinabi niya, “Hindi ko ito kayang inumin, Yahweh! Para ko na ring iinumin ang dugo ng mga nagtaya ng kanilang buhay upang makuha ito.” Minsan pang nakilala ang tapang ng tatlong magigiting na kawal na ito sa ginawa nilang iyon.

18. Ang pinuno ng pangkat na binubuo ng “Tatlumpu” ay si Abisai, kapatid ni Joab na anak naman ni Zeruias. Kinikilala siya ng mga ito sapagkat minsa'y pinuksa niya sa pamamagitan lamang ng sibat ang 300 kaaway.

19. Ito ang dahilan kaya ginawa siyang pinuno ng pangkat, ngunit kahit kinikilala siya sa tatlumpu, hindi pa rin siya kasintanyag ng “Tatlong Magigiting.”

20. Si Benaias na anak ni Joiadang taga-Kabzeel ay isa ring magiting na kawal sa maraming pakikipaglaban. Siya ang pumatay sa dalawang lalaki na ipinagmamalaki ng Moab. Minsan, nang panahong madulas ang lupa dahil sa yelo, lumusong siya sa balon at pinatay ang isang leon na naroon.

Basahin ang kumpletong kabanata 2 Samuel 23