Lumang Tipan

Bagong Tipan

2 Mga Cronica 6:13-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. Gumawa siya ng isang entabladong tanso, dalawa't kalahating metro ang haba gayundin ang luwang at isa't kalahating metro ang taas. Ito ay pinagawa sa gitna ng bulwagan.

14. Nanalangin siya ng ganito:“Yahweh, Diyos ng Israel, walang Diyos na katulad ninyo sa langit man o sa lupa. Tinutupad ninyo ang inyong pangako sa inyong mga lingkod. Tapat ang pag-ibig na ipinapakita ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo.

15. Tinupad ninyo ngayon ang inyong pangako sa inyong lingkod na si David na aking ama.

16. Yahweh, Diyos ng Israel, patuloy sana ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na inyong lingkod nang sabihin ninyo sa kanya: ‘Hindi ko ipapahintulot na ang iyong angkan ay mawalan ng isang nakaupo sa trono ng Israel kung susunod ang iyong mga anak sa Kautusan ko, tulad ng ginawa mo.’

17. Pagtibayin po ninyo Yahweh, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong lingkod.

18. “Subalit maaari po bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay hindi sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na Templong aking itinayo?

19. Gayunman, pakinggan po ninyo Yahweh, aking Diyos, ang panalangin at pagsusumamo ng inyong lingkod.

20. Huwag ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang ipinangako ninyong dito sasambahin ang inyong pangalan. Pakinggan sana ninyo ako kapag ako'y humarap sa Templong ito at nananalangin.

21. “Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayan tuwing kami'y mananalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami mula sa langit na inyong tahanan at sana'y patawarin ninyo kami.

22. “Sakaling magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa at siya'y panumpain sa harap ng inyong altar sa Templong ito,

23. pakinggan po ninyo siya, Yahweh, buhat sa langit. Kayo ang humatol sa inyong mga lingkod. Parusahan ninyo ang nagkasala ayon sa bigat ng kanyang kasalanan at pagpalain ang walang sala.

24. “Sakaling ang inyong bayang Israel ay matalo ng kaaway dahil sa kanilang pagkakasala sa inyo, sa sandaling sila'y magbalik-loob sa inyo, kumilala ng inyong kapangyarihan, nanalangin at nagsumamo sa inyo sa Templong ito,

25. pakinggan po ninyo sila mula diyan sa langit. Patawarin po ninyo ang inyong bayan at ibalik ninyo sila sa lupaing inyong ibinigay sa kanilang mga ninuno.

26. “Kapag pinigil ninyo ang ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang inyong bayang Israel, at kung sila'y manalangin sa Templong ito, magpuri sa inyong pangalan at magsisi sa kanilang kasalanan at kilalaning iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa,

27. pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Patawarin ninyo ang inyong mga lingkod, ang inyong bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang tahakin. Papatakin na ninyo ang ulan sa lupaing ipinamana ninyo sa inyong bayan.

Basahin ang kumpletong kabanata 2 Mga Cronica 6