Lumang Tipan

Bagong Tipan

2 Mga Cronica 35:7-19 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Nagbigay si Josias ng 30,000 kordero at mga batang kambing bilang handog na susunugin bukod pa sa 3,000 torong panghandog para pagsalu-saluhan.

8. Ang mga pinuno sa ilalim niya ay buong puso ring nagkaloob ng handog para sa bayan, sa mga pari at sa mga Levita. Ang mga punong-katiwala naman sa Templo na sina Hilkias, Zacarias at Jehiel ay nagbigay ng dalawang libo at animnaraang tupa para sa mga pari at tatlong daang toro bilang handog pampaskwa.

9. Ang mga pinuno naman ng mga Levita na sina Conanias, Semaya, Nathanael, Hosabias, Jehiel at Jozabad ay nagbigay ng limanlibong kordero at batang kambing para sa mga Levita at limandaang toro bilang handog na pampaskwa.

10. Matapos ihanda ang lahat, tumayo na sa kanya-kanyang puwesto ang mga pari. Ang mga Levita nama'y kasama ng kani-kanilang pangkat ayon sa utos ng hari.

11. Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa at ang dugo nito ay ibinuhos ng mga pari sa ibabaw ng altar samantalang binabalatan naman ng mga Levita ang mga hayop.

12. Pagkatapos, kinuha nila ang taba nito at ipinamahagi sa mga tao ayon sa kani-kanilang sambahayan upang ihandog kay Yahweh ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga toro.

13. Nilitson nila ang korderong pampaskwa ayon sa tuntunin. Ang iba namang karneng handog ay inilaga sa mga palayok, kaldero at kawa at ipinamigay sa mga tao.

14. Pagkatapos nito, naghanda ang mga Levita ng pagkain para sa kanila at sa mga paring mula sa angkan ni Aaron. Sila rin ang naghanda ng pagkain ng mga pari sapagkat hanggang sa gabi ang mga ito'y abalang-abala sa pag-aalay ng mga handog na susunugin at ng mga taba.

15. Nanatili sa kanilang mga puwesto ang mga mang-aawit, ang mga anak ni Asaf ayon sa tuntuning itinakda ni Haring David at ng mga lingkod niyang sina Asaf, Heman at Jeduthun na propeta ng hari. Hindi na rin kailangang umalis ang mga bantay sa pinto sapagkat lahat sila'y dinadalhan ng pagkain ng mga Levita.

16. Ang lahat ay ginawa ayon sa tagubilin ni Haring Josias: ang pagpupuri kay Yahweh, ang pagdiriwang ng Paskwa at ang paghahandog.

17. Pitong araw na ipinagdiwang ng mga Israelita ang Paskwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa.

18. Mula pa noong panahon ni propeta Samuel, wala pang ganitong pagdiriwang ng Paskwa na naganap sa Israel. Wala ring ibang hari sa Israel na nakagawa ng ginawang ito ni Haring Josias. Siya lamang ang nakapagtipon ng lahat ng pari, Levita at ng mga taga-Juda at taga-Israel kasama ang mga taga-Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskwa.

19. Naganap ito noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari.

Basahin ang kumpletong kabanata 2 Mga Cronica 35