Lumang Tipan

Bagong Tipan

2 Mga Cronica 24:16-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David sapagkat naging mabuti siya sa Israel, sa Diyos at sa Templo nito.

17. Pagkamatay ni Joiada, ang mga pinuno ng Juda ay nagbigay-galang sa hari at sila na ang pinapakinggan ng hari.

18. At pinabayaan nila ang Templo ni Yahweh na Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa halip, sumamba sila sa mga Ashera at sa mga diyus-diyosan. Dahil dito, nagalit ang Diyos at pinarusahan ang mga taga-Juda at ang mga taga-Jerusalem.

19. Gayunma'y nagsugo si Yahweh ng mga propeta upang ang mga tao'y magbalik-loob sa kanya. Ngunit hindi sila nakinig sa mga ito.

20. Dahil dito, lumukob ang Espiritu ng Diyos kay Zacarias na anak ng paring si Joiada. Tumayo siya sa harap ng bayan. Sinabi niya, “Ito ang sinabi ng Diyos: ‘Bakit ninyo nilalabag ang mga utos ni Yahweh? Bakit ninyo ipinapahamak ang inyong mga sarili. Sapagkat itinakwil ninyo siya, itinakwil din niya kayo!’”

21. Ngunit nagsabwatan ang mga tao laban sa kanya. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias hanggang sa mamatay. Naganap ito sa bulwagan ng Templo ni Yahweh.

22. Kinalimutan ni Haring Joas ang kagandahang-loob sa kanya ni Joiada na ama ni Zacarias. Bago namatay si Zacarias, ganito ang kanyang sinabi, “Makita sana ni Yahweh ang ginagawa ninyong ito at parusahan niya kayo!”

23. Nang patapos na ang taóng iyon, si Joas ay sinalakay ng hukbo ng Siria. Pinasok ng mga ito ang Juda at Jerusalem at pinatay ang mga pinuno ng bayan. Lahat ng sinamsam nila'y ipinadala sa hari sa Damasco.

24. Maliit man ang hukbo ng Siria ay nagtagumpay sila laban sa malaking hukbo ng Juda sapagkat itinakwil nito si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa ganitong paraan pinarusahan si Joas.

25. Iniwan ng hukbong Siria si Joas na may malubhang sugat. Ngunit pagkaalis nila, nagkaisa ang mga lingkod ng hari na ipaghiganti ang pagkamatay ng anak ng paring si Joiada. Kaya pinatay nila si Joas sa kanyang higaan. Siya'y inilibing nila sa Lunsod ni David ngunit hindi sa libingan ng mga hari.

26. Ang mga kasama sa pagpatay sa kanya ay si Sabad na anak ni Simeat na isang Ammonita at si Jehosabad na anak ni Simrit na isang Moabita.

27. Ang mga kasaysayan tungkol sa kanyang mga anak, mga propesiya laban sa kanya at ang kanyang muling pagtatayo sa Templo ay nakasulat sa Paliwanag sa Aklat ng mga Hari. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Amazias.

Basahin ang kumpletong kabanata 2 Mga Cronica 24