Lumang Tipan

Bagong Tipan

2 Mga Cronica 11:15-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

15. Sa halip, naglagay si Jeroboam ng kanyang mga sariling pari para sa mga sagradong burol, sa mga satiro at sa mga rebultong guya na ipinagawa niya.

16. Subalit mula sa lahat ng lipi, may mga tapat na lingkod si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sila ay sumunod sa mga pari at mga Levitang pumupunta sa Jerusalem upang maghandog kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.

17. Dahil dito, pinatatag nila ang kaharian ng Juda at pinatibay ang kapangyarihan ni Rehoboam na anak ni Solomon sa loob ng tatlong taon, sapagkat sumusunod sila sa magagandang halimbawa ni David at ni Solomon.

18. Napangasawa ni Rehoboam si Mahalat na anak ni Jerimot at ni Abihail. Anak ni David si Jerimot at si Abihail naman ay anak ni Eliab na anak ni Jesse.

19. Sina Jeus, Semarias at Zaham ang mga anak na lalaki ni Rehoboam kay Mahalat.

20. Napangasawa rin ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom at ang mga anak nila'y sina Abias, Atai, Ziza at Selomit.

21. Mahal na mahal ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom higit sa iba niyang mga asawa at asawang-lingkod. Labing-walo ang asawa niya at animnapu ang kanyang asawang-lingkod. Dalawampu't walo ang naging anak niyang lalaki at animnapu naman ang mga babae.

22. Sapagkat gusto ni Rehoboam na si Abias ang maging hari pagkamatay niya, inilagay niya itong pinuno at pangunahin sa kanyang mga kapatid.

23. Ipinadala ni Rehoboam ang kanyang mga anak na lalaki sa iba't ibang lugar sa lupain ng Juda at Benjamin, sa mga lunsod na napapaligiran ng pader. Binigyan niya sila ng lahat nilang kailangan at inihanap ng mga asawa.

Basahin ang kumpletong kabanata 2 Mga Cronica 11