Lumang Tipan

Bagong Tipan

1 Samuel 4:12-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

12. Nang araw ring iyon, isang Benjaminita ang patakbong dumating sa Shilo mula sa labanan. Bilang tanda ng kalungkutan, pinunit niya ang kanyang damit at nilagyan niya ng lupa ang kanyang ulo.

13. Si Eli ay nakaupo noon sa kanyang upuan sa tabing daan, nakatanaw sa malayo at naghihintay ng balita. Nag-aalala siya dahil sa Kaban ng Diyos. At nang ibalita ng Benjaminita ang nangyari, nag-iyakan ang lahat ng taga-lunsod ng Shilo.

14. Narinig ito ni Eli at itinanong niya, “Bakit nag-iiyakan ang mga tao?”Lumapit kay Eli ang Benjaminita at ibinalita ang nangyari.

15. Noon ay siyamnapu't walong taon na si Eli at hindi na siya nakakakita.

16. Sinabi ng Benjaminita kay Eli, “Ako po'y galing sa labanan. Mabuti na lang po at nakatakas ako.”“Kumusta naman ang labanan, anak?” tanong ni Eli.

17. Sumagot ang lalaki, “Natalo po ang mga Israelita, at napakarami pong namatay, kabilang ang inyong mga anak na sina Hofni at Finehas. At ang Kaban po ng Diyos ay kanilang naagaw.”

18. Nang marinig ni Eli ang tungkol sa Kaban ng Diyos, siya'y nabuwal sa may pintuan. Nabali ang kanyang leeg sapagkat siya'y mabigat at matanda na. Namatay si Eli pagkatapos ng apatnapung taóng pamamahala sa Israel.

Basahin ang kumpletong kabanata 1 Samuel 4