Lumang Tipan

Bagong Tipan

1 Samuel 23:13-29 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

13. Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tauhan na noo'y halos animnaraang katao na umalis na doon at magpalipat-lipat ng lugar. Nang malaman ni Saul na si David ay nakatakas, hindi na niya itinuloy ang balak na pagsalakay sa Keila.

14. Si David ay nagtago sa ilang at maburol na lugar ng Zif. Araw-araw, hinahanap siya ni Saul, ngunit hindi itinulot ng Diyos na makita siya nito.

15. Nanatili ang pangamba ni David sapagkat alam niyang siya'y talagang gustong patayin ni Saul. Nang siya'y nasa Hores sa ilang ng Zif,

16. pinuntahan siya ni Jonatan at pinalakas ang kanyang loob sa pangalan ni Yahweh.

17. Sinabi nito, “David, huwag kang matakot at hindi ka mapapatay ng aking ama. Ikaw ay magiging hari ng Israel, magiging kanang kamay mo naman ako; alam na ito ng aking ama.”

18. At ang kanilang pagiging magkaibigan ay muli nilang pinagtibay sa harapan ni Yahweh. Pagkatapos, umuwi na si Jonatan at naiwan naman sa Hores si David.

19. Ang mga taga-Zif ay nagpunta kay Saul sa Gibea. Sinabi nila, “Si David po ay doon nagtatago sa lugar namin sa Hores, sa kaburulan ng Haquila sa gawing timog ng kagubatan ng Jesimon.

20. Alam po naming gustung-gusto ninyo siyang mahuli. Puntahan ninyo siya roon kung kailan ninyo gusto at tutulungan namin kayo sa paghuli sa kanya.”

21. At sinabi ni Saul, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh dahil sa pagmamalasakit ninyong ito sa akin.

22. Mauna kayo roon at tiyakin ninyo kung saan siya nagtatago at kung sino ang nakakita sa kanya. Alam kong mahirap siyang hulihin,

23. kaya't tiyakin ninyong mabuti kung saan siya nagtatago, saka ninyo ibalita sa akin. Kung naroon pa siya, sasama ako sa inyo para dakpin siya kahit na halughugin ko ang buong Juda.”

24. At sila'y nauna kay Saul papuntang Zif. Si David naman at ang kanyang mga kasama ay nasa ilang noon ng Maon, sa Araba, gawing timog ng Jesimon.

25. Lumakad si Saul at ang kanyang mga tauhan upang hanapin si David. Hindi lingid kay David na hinahanap siya ni Saul kaya nagtago siya sa ilang ng Maon, ngunit sinundan pa rin siya ni Saul.

26. Samantalang nasa kabilang panig ng bundok sina Saul, sina David naman ay nasa kabila at walang ibang mapuntahan. Masusukol na lamang sila nina Saul,

27. nang dumating ang isang tagabalita at sinabi kay Saul, “Magbalik na po kayo at sinasalakay tayo ng mga Filisteo.”

28. Kaya, tinigilan ni Saul ang paghabol kay David at hinarap ang mga Filisteo. Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Bato ng Paghihiwalay.

29. Mula roon, si David ay nagpunta sa En-gedi at doon muna nanirahan.

Basahin ang kumpletong kabanata 1 Samuel 23