Lumang Tipan

Bagong Tipan

1 Samuel 17:34-44 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

34. Ngunit sinabi ni David kay Saul, “Ako po ang nag-aalaga sa kawan ng aking ama. Kapag ang isa sa mga tupang inaalagaan ko ay tinatangay ng leon o oso,

35. hinahabol ko po ito at inaagaw ang tupa. Kapag hinarap ako ng leon o ng oso, hinahawakan ko ito sa panga at pinapatay.

36. Nakapatay na po ako ng mga leon at mga oso. Isasama ko po sa mga ito ang Filisteong iyon sapagkat ang nilalait niya'y ang hukbo ng Diyos na buháy.”

37. Idinugtong pa ni David, “Iniligtas ako ni Yahweh mula sa mga mababangis na leon at mga oso. Ililigtas din niya ako sa kamay ng Filisteong iyon.”Kaya't sinabi ni Saul, “Kung gayon, labanan mo siya at samahan ka nawa ni Yahweh.”

38. At ipinasuot niya kay David ang kanyang kasuotang pandigma: ang helmet at ang tansong pambalot sa katawan.

39. Nang maisakbat na ni David ang tabak ni Saul at sinubukang lumakad, hindi siya halos makahakbang sapagkat hindi siya sanay sa ganoong kasuotan. Kaya sinabi niya kay Saul, “Hindi ko na po gagamitin ang mga ito.” At hinubad niya ang nasabing kasuotang pandigma.

40. Pagkatapos, dinampot niya ang kanyang tungkod. Namulot siya ng limang makikinis na bato sa sapa, inilagay sa kanyang supot na pampastol at lumakad upang harapin si Goliat.

41. Si Goliat naman ay lumakad ding papalapit kay David, sa hulihan ng tagadala ng kanyang panangga.

42. Nang makita niyang si David ay isa lamang kabataang may maamong hitsura, nilait niya ito, at

43. pakutyang tinanong, “Anong akala mo sa akin? Aso ba ang lalabanan mo at may dala kang patpat?” At si David ay sinumpa ng Filisteo sa pangalan ng kanyang diyos.

44. Sinabi pa niya, “Halika nga rito at nang maipakain ko ang bangkay mo sa mga ibon at mga hayop.”

Basahin ang kumpletong kabanata 1 Samuel 17