Lumang Tipan

Bagong Tipan

1 Samuel 14:7-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Sumagot ang tagadala niya ng sandata, “Kayo po ang masusunod; kasama ninyo ako anuman ang mangyari.”

8. “Mabuti kung gayon,” sabi ni Jonatan. “Tatawid tayo at magpapakita sa kanila.

9. Kapag sinabi nilang hintayin natin sila, hindi tayo tutuloy ng paglapit sa kanila.

10. Pero kapag sinabi nilang lumapit tayo, lalapit tayo sa kanila sapagkat iyon ang palatandaang sila'y ibinigay sa atin ni Yahweh.”

11. At lumakad na silang dalawa. Nang matanaw sila ng mga Filisteo, sinabi ng mga ito, “Hayun, naglalabasan na sa lungga ang mga Hebreo.”

12. At hiniyawan nila sina Jonatan, “Halikayo rito at may sasabihin kami sa inyo.”Sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng sandata, “Sumunod ka sa akin. Niloob ni Yahweh na sila'y mahulog sa kamay ng Israel.”

13. Nagmamadali siyang umakyat sa matarik na bato, at sinalakay ang mga Filisteo. Bumabagsak ang bawat makaharap niya at ang mga ito'y pinapatay naman ng tagadala niya ng sandata.

14. Dalawampu ang napatay nila sa pagsalakay na iyon sa may kalahating ektaryang pinaglabanan nila.

15. Nasindak ang mga Filisteo, maging ang mga nasa lansangan, gayundin ang mga nasa kampo. Nayanig ang lupa at hindi nila malaman ang gagawin.

16. Nakita ng mga kawal ni Saul sa Gibea ang pagkakagulo ng mga Filisteo.

17. Sinabi ni Saul sa kanyang mga kasama, “Tingnan nga ninyo kung sino ang wala sa atin.” Tiningnan nila at natuklasan nilang wala si Jonatan at ang tagadala nito ng sandata.

18. At sinabi ni Saul kay Ahias, “Dalhin mo rito ang efod.” Si Ahias nga ang may dala ng efod noon.

19. Samantalang kinakausap ni Saul ang pari, palubha naman nang palubha ang kaguluhan ng mga Filisteo, kaya sinabi ni Saul sa pari, “Huwag mo nang ituloy ang pagsangguni sa Diyos.”

20. Sinalakay ni Saul at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo na dinatnan nilang nagkakagulo, sila-sila'y nagtatagaan.

21. Ang mga Hebreo namang kasama ng mga Filisteo ay pumanig na sa mga Israelita.

22. Pati ang mga Israelitang nagtatago sa kabundukan ng Efraim ay sumama na rin sa pagsalakay sa mga Filisteo.

Basahin ang kumpletong kabanata 1 Samuel 14