Lumang Tipan

Bagong Tipan

1 Samuel 14:34-47 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

34. Sabihin ninyo sa mga tao na magdala rito ng baka o tupa at dito nila papatayin at kakanin para hindi sila magkasala kay Yahweh dahil sa pagkain ng dugo.” Kinagabihan, ang mga Israelita'y nagdala ng mga baka at doon pinatay.

35. Si Saul nama'y nagtayo ng altar para kay Yahweh; ito ang unang altar na kanyang ginawa.

36. Sinabi ni Saul sa kanyang mga tauhan, “Mamayang gabi, lulusubin natin ang mga Filisteo at lilipulin natin sila hanggang sa mag-umaga; wala tayong ititirang buháy sa kanila.”Sumagot sila, “Kayo po ang masusunod.”Ngunit sinabi ng pari, “Sumangguni muna tayo sa Diyos.”

37. Sumangguni nga si Saul sa Diyos, “Lulusubin na po ba namin ang mga Filisteo? Pagtatagumpayin po ba ninyo kami?” Ngunit hindi siya sinagot ng Diyos.

38. Kaya't sinabi niya, “Magsama-sama ang lahat ng pinuno ng Israel para malaman natin kung sino ang nagkasala.

39. Sinuman siya ay tiyak na papatayin kahit na ang anak kong si Jonatan. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy at tagapagligtas ng Israel.” Walang umimik isa man sa mga Israelita.

40. Sinabi ni Saul, “Magsama-sama kayo sa isang panig at kami naman ni Jonatan sa kabila.”Sumagot ang mga tao, “Kayo po ang masusunod.”

41. Pagkatapos, tumingala si Saul at sinabi, “Yahweh, Diyos ng Israel, bakit hindi kayo sumagot ngayon sa inyong lingkod? Kung ang nagkasala'y alinman sa amin ni Jonatan, ipabunot ninyo sa amin ang Urim. Ngunit kung ang mga tao ang nagkasala, ipabunot ninyo ang Tumim.” Nang gawin ang palabunutan, lumitaw na ang nagkasala'y ang panig nina Saul at Jonatan; walang dapat panagutan ang mga tao.

42. Sinabi ni Saul, “Gagawin ngayon ang palabunutan para malaman kung sino sa amin ni Jonatan ang nagkasala.” At si Jonatan ang lumitaw na may kasalanan.

43. Dahil dito, tinanong ni Saul si Jonatan, “Magsabi ka ng totoo, ano ang ginawa mo?”Sumagot siya, “Itinubog ko ang aking tungkod sa pulot at ito'y aking tinikman. Kung kailangan akong patayin dahil doon, nakahanda po akong mamatay.”

44. Sinabi ni Saul, “Gawin ng Diyos ang nararapat sa iyo at sa akin; mamamatay ka, Jonatan.”

45. Sumagot ang mga tao, “Papatayin ba si Jonatan na nanguna sa pagtatagumpay ng Israel? Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, isa mang buhok niya'y hindi malalaglag sapagkat siya ang kinasangkapan ngayon ng Diyos upang magtagumpay ang Israel.” Hindi nga pinatay si Jonatan sapagkat iniligtas siya ng mga Israelita.

46. Tinigilan na ni Saul ang paghabol sa mga Filisteo; ang mga ito nama'y bumalik na sa kanilang teritoryo.

47. Sa panahon ng paghahari ni Saul sa Israel, nakalaban niya ang lahat niyang mga kaaway sa magkabi-kabilang panig. Ito'y ang mga Moabita, Ammonita, Edomita, Sobita at mga Filisteo. Nagtatagumpay siya saanman siya mapalaban.

Basahin ang kumpletong kabanata 1 Samuel 14