Lumang Tipan

Bagong Tipan

1 Samuel 14:24-39 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

24. Ang mga Israelita ay nanghihina na sa gutom nang araw na iyon. Ngunit walang mangahas kumain sapagkat mahigpit na ipinagbawal ni Saul ang tumikim ng pagkain bago lumubog ang araw hanggang hindi nila nalilipol ang mga kaaway.

25. Nakarating sila sa isang kagubatan na sagana sa pulot.

26. Pagpasok nila rito, nakita nilang umaagos ang pulot ngunit ni hindi sila tumikim dahil natatakot sila sa sumpa ni Saul.

27. Palibhasa'y hindi alam ni Jonatan ang tungkol sa sumpa ng kanyang ama, itinubog niya sa pulot ang kanyang tungkod, at sinipsip ito. At nagliwanag ang kanyang paninging nanlabo na dahil sa gutom at pagod.

28. Sinabi sa kanya ng isa sa mga Israelita, “Mahigpit pong ipinagbabawal ng iyong ama ang tumikim ng pagkain sa araw na ito. Kaya latang-lata na ang mga tao.”

29. Sinabi ni Jonatan, “Bakit pinahihirapan ng aking ama ang mga tao? Heto at nagliwanag ang aking paningin nang tumikim ako ng pulot.

30. Gaano pa kaya kung ang mga tao'y pababayaang kumain ng mga pagkaing nasamsam nila. Lalo sanang madadali ang paglipol sa mga Filisteo.”

31. Nang araw na iyon, ang mga Filisteo'y nalupig ng mga Israelita mula sa Micmas hanggang Ahilon, ngunit lambot na lambot na sila sa gutom.

32. Kaya, nagmamadali silang humuli ng mga hayop ng mga Filisteo. Nagpatay sila ng mga tupa, baka at mga guya. Dahil sa gutom, kinain ang mga ito nang hindi na nakuhang alisan ng dugo.

33. May nagsumbong kay Saul na ang hukbo'y gumagawa ng malaking kasalanan kay Yahweh; kumakain sila ng karneng may dugo.Kaya't sinabi ni Saul, “Ito'y isang malaking kataksilan! Igulong ninyo rito ang isang malaking bato, ngayon din.

34. Sabihin ninyo sa mga tao na magdala rito ng baka o tupa at dito nila papatayin at kakanin para hindi sila magkasala kay Yahweh dahil sa pagkain ng dugo.” Kinagabihan, ang mga Israelita'y nagdala ng mga baka at doon pinatay.

35. Si Saul nama'y nagtayo ng altar para kay Yahweh; ito ang unang altar na kanyang ginawa.

36. Sinabi ni Saul sa kanyang mga tauhan, “Mamayang gabi, lulusubin natin ang mga Filisteo at lilipulin natin sila hanggang sa mag-umaga; wala tayong ititirang buháy sa kanila.”Sumagot sila, “Kayo po ang masusunod.”Ngunit sinabi ng pari, “Sumangguni muna tayo sa Diyos.”

37. Sumangguni nga si Saul sa Diyos, “Lulusubin na po ba namin ang mga Filisteo? Pagtatagumpayin po ba ninyo kami?” Ngunit hindi siya sinagot ng Diyos.

38. Kaya't sinabi niya, “Magsama-sama ang lahat ng pinuno ng Israel para malaman natin kung sino ang nagkasala.

39. Sinuman siya ay tiyak na papatayin kahit na ang anak kong si Jonatan. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy at tagapagligtas ng Israel.” Walang umimik isa man sa mga Israelita.

Basahin ang kumpletong kabanata 1 Samuel 14