Lumang Tipan

Bagong Tipan

1 Samuel 14:16-30 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. Nakita ng mga kawal ni Saul sa Gibea ang pagkakagulo ng mga Filisteo.

17. Sinabi ni Saul sa kanyang mga kasama, “Tingnan nga ninyo kung sino ang wala sa atin.” Tiningnan nila at natuklasan nilang wala si Jonatan at ang tagadala nito ng sandata.

18. At sinabi ni Saul kay Ahias, “Dalhin mo rito ang efod.” Si Ahias nga ang may dala ng efod noon.

19. Samantalang kinakausap ni Saul ang pari, palubha naman nang palubha ang kaguluhan ng mga Filisteo, kaya sinabi ni Saul sa pari, “Huwag mo nang ituloy ang pagsangguni sa Diyos.”

20. Sinalakay ni Saul at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo na dinatnan nilang nagkakagulo, sila-sila'y nagtatagaan.

21. Ang mga Hebreo namang kasama ng mga Filisteo ay pumanig na sa mga Israelita.

22. Pati ang mga Israelitang nagtatago sa kabundukan ng Efraim ay sumama na rin sa pagsalakay sa mga Filisteo.

23. Ang labanan ay umabot sa kabila ng Beth-aven at nang araw na iyon, iniligtas ni Yahweh ang Israel.

24. Ang mga Israelita ay nanghihina na sa gutom nang araw na iyon. Ngunit walang mangahas kumain sapagkat mahigpit na ipinagbawal ni Saul ang tumikim ng pagkain bago lumubog ang araw hanggang hindi nila nalilipol ang mga kaaway.

25. Nakarating sila sa isang kagubatan na sagana sa pulot.

26. Pagpasok nila rito, nakita nilang umaagos ang pulot ngunit ni hindi sila tumikim dahil natatakot sila sa sumpa ni Saul.

27. Palibhasa'y hindi alam ni Jonatan ang tungkol sa sumpa ng kanyang ama, itinubog niya sa pulot ang kanyang tungkod, at sinipsip ito. At nagliwanag ang kanyang paninging nanlabo na dahil sa gutom at pagod.

28. Sinabi sa kanya ng isa sa mga Israelita, “Mahigpit pong ipinagbabawal ng iyong ama ang tumikim ng pagkain sa araw na ito. Kaya latang-lata na ang mga tao.”

29. Sinabi ni Jonatan, “Bakit pinahihirapan ng aking ama ang mga tao? Heto at nagliwanag ang aking paningin nang tumikim ako ng pulot.

30. Gaano pa kaya kung ang mga tao'y pababayaang kumain ng mga pagkaing nasamsam nila. Lalo sanang madadali ang paglipol sa mga Filisteo.”

Basahin ang kumpletong kabanata 1 Samuel 14