Lumang Tipan

Bagong Tipan

1 Mga Hari 16:2-12 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

2. “Pinili kita at ginawang hari ng bayan kong Israel. Ngunit sinundan mo ang halimbawa ni Jeroboam at ibinunsod mo sa pagkakasala ang bayan ko.

3. Kaya't itatakwil din kita at ang iyong angkan, gaya nang ginawa ko kay Jeroboam.

4. Sinuman sa iyong angkan ang mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.”

5. Ang iba pang mga ginawa ni Baasa at ang kanyang kagitingan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

6. Namatay si Baasa at inilibing sa Tirza. Ang anak niyang si Ela ang humalili sa kanya bilang hari.

7. Sinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu upang ipahayag kay Baasa at sa kanyang pamilya ang kanyang hatol laban sa hari. Gayundin naman, dahil sa kanyang pagsunod sa mga kasalanan ni Jeroboam, nilipol din niya ang buong angkan nito.

8. Naging hari ng Israel si Ela na anak ni Baasa noong ika-26 na taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Dalawang taon siyang naghari at sa Tirza nanirahan.

9. Pinagtaksilan siya ni Zimri na pinuno ng kalahati ng hukbong gumagamit ng karwahe. Samantalang lasing si Ela sa bahay ni Arsa na tagapamahala ng palasyo sa Tirza,

10. pumasok si Zimri sa palasyo at pinatay si Ela at siya ang pumalit na hari. Nangyari ito noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda.

11. Simula pa lamang ng paghahari ni Zimri, pinatay na niyang lahat ang buong pamilya ni Baasa. Ipinapatay niya ang lahat ng lalaking kamag-anak at mga kaibigan ni Baasa.

12. Nilipol nga niya ang buong angkan ni Baasa ayon sa sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng propetang si Jehu.

Basahin ang kumpletong kabanata 1 Mga Hari 16