Lumang Tipan

Bagong Tipan

Mga Gawa 27:16-27 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. Nang makakubli kami sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, naisampa namin ang barko, ngunit nahirapan kami bago nagawa iyon.

17. Nang maidaong ito, tinalian nila ng malalaking lubid ang barko. Ngunit natakot silang sumadsad sa buhanginan ng Sirte, kaya't ibinabâ nila ang layag at kami'y nagpaanod na lamang.

18. Patuloy na lumakas ang bagyo; kaya't kinabukasa'y sinimulan nilang itapon sa dagat ang mga kargamento.

19. At nang sumunod na araw, itinapon din nila ang mga kagamitan ng barko.

20. Matagal naming di nakita ang araw at ang mga bituin, at hindi rin humuhupa ang napakalakas na bagyo, kaya't nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa.

21. Dahil matagal nang hindi kumakain ang mga nasa barko, tumayo si Pablo at nagsalita, “Mga kasama, kung nakinig lamang kayo sa akin at di tayo umalis sa Creta, hindi sana natin inabot ang ganito.

22. Ito ngayon ang payo ko, lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang mamamatay isa man sa inyo! Kaya nga lamang, mawawasak ang barko.

23. Nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel ng Diyos, ang Diyos na sinasamba ko at pinaglilingkuran.

24. Sinabi niya sa akin, ‘Huwag kang matakot, Pablo! Dapat kang humarap sa Emperador. Alang-alang sa iyo'y ililigtas ng Diyos ang lahat ng mga kasama mong naglalakbay.’

25. Kaya, tibayan ninyo ang inyong loob, mga kasama! Nananalig ako sa Diyos na mangyayari ang lahat ayon sa sinabi niya sa akin.

26. Kaya lamang, mapapadpad tayo sa isang pulo.”

27. Pagkalipas ng dalawang linggo sa gitna ng dagat, napadpad kami sa Dagat Mediteraneo. Nang Maghahating-gabi na, napuna ng mga marinero na nalalapit na kami sa pampang.

Basahin ang kumpletong kabanata Mga Gawa 27