Lumang Tipan

Bagong Tipan

Lucas 20:26-43 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

26. Nabigo sa harap ng madla ang hangarin nilang masilo siya sa kanyang pananalita. At hindi sila nakaimik dahil sa pagkagulat sa kanyang sagot.

27. Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay.

28. Sabi nila, “Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, ‘Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’

29. Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak.

30. Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak.

31. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila'y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak.

32. Sa kahuli-hulihan po'y namatay naman ang babae.

33. Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?”

34. Sumagot si Jesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa.

35. Ngunit sa kabilang buhay, ang mga magiging karapat-dapat sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa.

36. Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y nakabilang sa mga muling binuhay.

37. Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’

38. Kaya't ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buháy, sa kanya'y buháy ang lahat.”

39. Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, maganda ang sagot ninyo!”

40. At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya.

41. Si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Paano nasasabi ng mga taong ang Cristo ay anak ni David?

42. Si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit,‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,“Maupo ka sa kanan ko,

43. hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’

Basahin ang kumpletong kabanata Lucas 20