Lumang Tipan

Bagong Tipan

1 Timoteo 6:11-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

11. Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, umiwas ka sa mga bagay na ito. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, maka-Diyos, may pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kahinahunan.

12. Ipaglaban mo nang puspusan ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo.

13. Iniuutos ko sa iyo, sa pangalan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa harap ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo kay Poncio Pilato,

14. sundin mong mabuti nang may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo.

15. Siya'y darating sa panahong itinakda ng mapagpala at makapangyarihang Diyos, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.

16. Siya lamang ang walang kamatayan, at nananatili sa liwanag na di matitigan. Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya. Sa kanya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Amen.

17. Ituro mo sa mayayaman na huwag silang magmamataas; at huwag silang umasa sa kayamanang lumilipas, kundi sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan upang tayo'y masiyahan.

18. Turuan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabuting gawa, maging bukás-palad at matulungin sa kapwa.

19. Sa gayon, makakapag-impok sila para sa matatag na hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay.

20. Timoteo, pakaingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang baluktot na pangangatuwiran.

21. Dahil sa kanilang pagmamarunong, may mga taong nalihis sa pananampalataya.Pagpalain nawa kayo ng Diyos.

Basahin ang kumpletong kabanata 1 Timoteo 6