Lumang Tipan

Bagong Tipan

Mateo 20:23-34 Ang Biblia (TLAB)

23. Sinabi niya sa kanila, Katotohanang iinuman ninyo ang aking saro: datapuwa't ang maupo sa aking kanan, at sa aking kaliwa, ay hindi sa akin ang pagbibigay; datapuwa't yaon ay para sa kanila na mga pinaghandaan ng aking Ama.

24. At nang marinig ito ng sangpu, ay nangagalit laban sa dalawang magkapatid.

25. Datapuwa't sila'y pinalapit ni Jesus sa kaniya, at sinabi, Nalaman ninyo na ang mga pinuno ng mga Gentil ay nangapapapanginoon sa kanila, at ang kanilang mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila.

26. Sa inyo'y hindi magkakagayon: kundi ang sinomang magibig na dumakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo;

27. At sinomang magibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo:

28. Gayon din naman ang Anak ng tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.

29. At nang sila'y magsialis sa Jerico, ay sumunod sa kaniya ang lubhang maraming tao.

30. At narito, ang dalawang lalaking bulag na nangakaupo sa tabi ng daan, pagkarinig nilang nagdaraan si Jesus, ay nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.

31. At pinagwikaan sila ng karamihan, upang sila'y magsitahimik: datapuwa't sila'y lalong nangagsisigaw, na nagsisipagsabi, Panginoon, mahabag ka sa amin, ikaw na Anak ni David.

32. At tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, Ano ang ibig ninyong gawin ko sa inyo?

33. Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, na mangadilat ang mga mata namin.

34. At si Jesus, sa pagkahabag, ay hinipo ang kanilang mga mata, at pagdaka'y nagsitanggap sila ng kanilang paningin; at nagsisunod sa kaniya.

Basahin ang kumpletong kabanata Mateo 20